Aking Kwento..:-)
*This is a story I am writing. Please try and read it. Comment if you may so that I can make it better...;-)
PAGKUKUBLI
Sa isang comedy bar sa Angeles, nagtatanghal ang dalawang bakla. Kung bakit at paano sila nagkasama ay hindi na nila maalala. Basta ang alam nila pareho lang silang nagkukubli sa katotohanan at ito ang isang bagay na kanilang pinagkakasunduan.
Si Norman, padre de pamilya, may isang asawa at tatlong anak. Hawak niya sa araw-araw ang isang kasinungalingan. Hindi niya masabi kay Saling, ang asawa niya, na siya ay isang bakla. Na ang Normang kilala niya sa Cebu ay Lufita Curacha sa Angeles. Hindi niya maamin sa kanyang tatlong anak na ang tinitingala nilang Captain Barbell ay isa pa lang Darna na nagtatago sa likod ng kanyang muscle. Ang paniniwala ng kanyang pamilya ay nagtratrabaho siya bilang isang construction worker sa Maynila. Pero ang totoo ay isa siyang gay stand-up comedian sa Angeles.
Si Alex, kilalang bakla sa Angeles. Itinakwil ng buong pamilya sa paglaladlad ng tunay na kulay. Sinisisi niya ang kanyang sarili kung bakit niya pinabayaang umusbong ang pusong bading sa kanyang pagkatao. Sabi nga niya, “nagising na lang ako na maarte na ako, na mas gusto ko ang palda kaysa pantalon." Ilang beses din siyang binugbog sa pag-asa ng mga kapatid at ama na magigising ang pagkalalaki sa kanya. Minsan nga tinangka pa siyang ipagalaw sa pokpok. Kaya lang noong maiwan sa kuwarto ay nag-ayusan lang ang dalawa na akala mo ay nasa parlor. Dahilan sa mga pangyayari lantad man ang kanyang pagiging bakala ay nakatago ang katotohanan sa lahat. Kinamumuhian niya ang kanyang pagkabakla dahil marami na itong nawasak sa kanya. Ang pagtatakwil sa kanya ng kanyang pamilya, ang pagkawala ng kanyang respeto sa sarili at ang pagtitiis sa araw-araw na pangungutya. Lahat ito ay naging pasaning krus ni Alex sa araw-araw.
Sa pagluwas ni Norman sa Maynila ay hindi niya nahanap ang kanyang sarili. Nag-apply kung saan-saang lugar hanggang matanggap na bouncer sa isang club. Nakita niya minsang magtanghal ang isang bakla roon. Marami itong napasayang tao at malaki rin ang kinita noong gabing iyon. Naisip niya na kaya niya ring gawin iyon. Nagpraktis siya at naghintay ng pagkakataon na sumalang sa entablado. Hindi siya nabigo. Nang minsang hindi pumasok ang baklang comedian ay nakakita siya ng pagkakataon upang ipakita ang kanyang husay. Natuwa naman ang manager at sa paglipas ng panahon ay siya ang naging front-act. Tumagal ito hanggang sa inoffer sa kanya ang posisyon sa Angeles. Mas malaki ang sweldo kaya pumayag na rin siya. Doon niya nakilala si Alex o Chubita Rose na siya namang pinakamahusay na comedian sa Angeles. Noong una naimbiyerna si Alex kay Norman pero nang maglaon siya pa ang nagbigay ng alyas dito. Tinawag niya si Norman na Lufita Curacha kung bakit ay hindi naman masyadong mahabang istorya. Lufita dahil malupit si Norman sa mga papa, dinaig pa niya si Chubita. Curacha dahil kung may curacha ang babaeng walang pahinga, eto naman ang baklang walang pahinga doble kayod para sa pamilya.
Kung gabi-gabi silang nagpapatawa ay gabi-gabi rin silang lumuluha. “Alam mo insulto ang trabahong ito”, sabi ni Alex na may tonong pabiro. “Bakit naman?” ang tanong ni Norman. “Kasi sa bawat gabing sasalta tayo sa entabladong ‘yan kailangan natin silang patawanin," ang sagot ni Alex. “O ano namang masama roon, e doon tayo kumikita ng datung sister," ang pabirong sabi ni Norman. “Kailangan natin silang patawanin habang bugbog na bugbog ang kalooban natin sa mga pasakit," napapaluhang sabi ni Alex. “Alam ko na ang pupuntahan ng usapang ito," sagot ni Norman. “Naalala mo na naman ang mga pinagdadaanan at problema mo ‘no?” ang tanong nito. Sa pagtakip ng ulap sa buwan ay inilabas ni Alex ang kanyang hinanakit habang si Norman ay tahimik na nakikinig. “Mahirap dahil ang buhay ay hindi parang isang pagtatanghal na gaya ng ginagawa natin," biglang sabad ni Norman. “Hindi ko kayang patawanin si Saling kapag inamin ko sa kanya na bakla ako. Hindi ko kayang pasayahin ang mga anak ko kapag ipinagtapat ko sa kanila na hindi isang tunay na lalaki ang tatay nila. Mahirap magkubli sa likod ng mga ngiti dahil sa totoo lang para na akong mamatay sa sakit," ang sabi niya habang umaagos ang luha sa magkabila niyang mata. “Hindi ko kayang aminin kung sino ako sa pamilya ko dahil ayoko silang masaktan, ayoko silang kutyain," ang bulalas pa nito. Habang lumalalim ang gabi ay halinhinan sila sa pagsasabi ng hinaing hanggang sa mamalayan nila na basa na naman ang damit nila ng luha.
Sa hindi inaasahang pagkakataon napunta si Saling sa Angeles at sa mismong comedy bar na pinagtratrabahuhan ni Norman. Nakita niya ang nagtatanghal sa entablado at laking gulat nang mamukhaang si Norman iyon. Ang baklang nasa entablado at ang kanyang asawa ay iisa. Napaiyak siya ngunit walang magawa. Hinarap niya ito sa dressing room. “Walang hiya ka, paano mo nagawa sa akin ito," ang galit na sabi ni Saling. “Sa-saling," ang tanging nasabi ni Norman dahil sa pagkagulat. “Hindi ka na nahiya kalalaki mong tao ay mas makapal pa ang meyk-up mo sa akin," ang sabi ni Saling. “Saling, patawarin mo ako," ang tanging naibulalas ni Norman. “Patawarin? Patawarin sa iyong panlilinlang," ang sagot ni Saling sabay ang pagtungo sa pinto. “Kalimutan mo na ako at iyong mga anak, hindi ka naming kailangan." Umalis itong puno ng luha sa mga mata. Narinig ni Alex ang lahat at pumasok ito sa dressing room pagkalabas ni Saling. Inalo ni Alex si Norman sabay sabi, “Alam mo kafatid, hindi ka naging masamang ama. Maaring hindi ka naging tamang asawa ngunit ginawa mo ang iyong makakaya upang mapanindigan ang responsibilidad ng pagiging isang mabuting ama." “Pero hindi sapat, hindi sapat," ang napahagulhol na sagot ni Norman.
Sa paglabas ni Alex ng dressing room ay may nakita itong nakatawag sa kanyang pansin. Isang matandang lalaking bulag sa may kanto ang nanghihingi ng limos sa bawat dumaraan sa kalyeng iyon. May mga tumitinging nangungutya, habang may tumititig na puno ng awa. Nilapitan niya ito at pinagmasdan ng makailang ulit hanggang sa umimik ito. “Sino ‘yan? Alam kong may tao d’yan." “A-ako po si Alex," ang tanging nasabi ni Alex sa pagkamangha. “Papaano n’yo po nalaman na may tao sa harap n’yo?” tanong pa nito. “Amang bulag lamang ako pero hindi manhid upang hindi ka mapakiramdaman," ang sagot nito. Napabuntong hininga si Alex sabay tanong, “mahirap po ba ang maging isang bulag?” “Ang tangi ninyong nakikita ay ang kapansanan ngunit hindi ninyo nakikita ang isang bagay na ikinabuti naming mga bulag”, ang sagot nito. “Anong ikinabuti ng pagiging bulag?” ang usisa ni Alex. “Sapagkat hindi tulad ninyong nakakakita, kaming mga bulag ay hindi kayang manghusga sa unang tingin. Paano kami titingin kung ang ang gamit ng aming mga mata ay pilit na ninakaw ng tadhana? Ngunit sa kabilang banda ang naging kagandahan ng isang bulag ay ang hindi makawari ng masama. Hindi kami nakakawari ng masama pero hindi rin kami nakakasumpong ng mabuti. Ngunit sa panahon ba ngayon may mamamalas ka pa bang mabuti? Mainam na ang maging bulag na hindi man nakakakita ng kabutihan ay hindi rin nakakaapuhap ng kasamaan," ang pagtatapos niyon. “Wow, how lalim naman lolo," ang pabirong sabi ni Alex. “Sige po aalis na ako. Heto po ang kaunting pang-kain ninyo. Salamat po sa inyo. “Sige amang," ang sagot ng matanda. Sa pagtalikod ni Alex at paglakad pabalik sa dressing room ay may naalala siyang sabihin sa matanda. Ngunit paglingon niya ay biglang naglaho ang matanda. Kinilabutan siya pero nagawa pa rin ang magbiro. “Ano ba naman ang matandang itich nakuha pang mag-disappearing act." Sa loob-loob niya ay muli siyang napanatag nang maalala ang mga sinabi ng matanda. Batid niya ang katotohanan noon ngunit sadyang mahirap aminin sa kinabibilangang komunidad.
Tinungo muli ni Alex ang dressing room upang ayusin na ang kanyang gamit. Inabutan niyang umiiyak pa rin ang kaibigan. “Si Saling pa rin ba?” tanong niya kay Norman. Tumango na lamang ito kay Alex. Hinawakan niya ang kamay ng kaibigan at tiningnan ito sa mata. “Tapos na ang palabas, tapos na ang iyong pagkukubli pero hindi ka pa rin masaya," ang sabi nito sa kaibigan. “Paano ako magiging masaya wala na ang pamilya ko," umiiyak na sagot ni Norman. “Kapatid maaring masama na nga ang tingin sa’yo ni Saling pero sa mundong ito ano pa ba ang mabuti? Minsan kung iisipin mo lahat tayo ay bulag. Bulag sa katotohanang hindi lahat ng nasa mundong ito ay ang pinapangarap natin. Minsan ang mabuti ay may kaakibat na kasaamaan gaya ng ating pagkukubli na inaakala nating makabubuti sa ating sarili at sa lahat," sabi ni Norman. Tumigil sa pag-iyak si Norman at pinilit unawaain ang sinasabi ng kaibigan habang si Alex ay inalala ang sinabi ng matandang kanina lamang naka-usap. “Hinusgahan ka agad ni Saling pero maaring nahihirapan lamang siya na matanggap ang katotohanan nagbubulagbulagan. Alam niya na ang isinasaalang-alang mo ay ang lahat para sa kanila," dagdag pa ni Alex. “Pero wala na ang pamilya ko sa akin. Iniwan na nila ako nang malaman ang aking pagkatao," ang sabad ni Norman. “Kung pamilya mo talaga sila at mahal ka nila hindi nila hahayaan ang pagkatao mo ang sumira sa lahat. Kailangang mtanggap na nila ang katotohanan sa iyo upang matapos na ang iyong pagkukubli at ikaw ay muling makalaya," ang nasabi ni Alex. “Tama ka. Kailangan ko nang lumaya at tapusin ang aking pagkukubli. Kailangang mabawi ko ang aking pamilya," ang sabi ni Norman. Sa mga sandaling iton unti-unti nang napapalaya ni Norman ang kanayang sarili habang si Alex ay natututong tanggapin ang kanayang sarili.
Kinabukasan nagpaalam si Norman na uuwi siya sa Cebu. Muntik na siyang hindi payagan ng amo pero nakumbinsi ni Alex na payagan ito. Nagpasalamat ng sobra si Norman sa ginawa ng kaibigan. Tumungo si Norman sa Cebu dala ang lungkot at pangamba ngunit dala rin ang tapang upang harapin ang pamilya. Pagdaong ng barko agad siyang bum Ababa at Magana ng dyip na masasakyan. Nagbiyahe siya patungo sa kanilang bayan. Pagdating doon sumakay siya ng tricycle upang matunton ang kanilang bahay na malapit sa simbahan. Pagbaba ng tricycle agad niyang nasulyapan si Saling. Nakita niya ang pagsasalubong ng kilay nito. Nakita rin niya ang kaniyang mga anak na masayang-masaya na sanang lalapit sa kanya ngunit pinigilan ni Saling. “Ang kapal naman ng mukha mong magapakita pa sa amin. Sana hindi ka na bumalik. Hindi mo na dapat ginugulo ang pamilya ko," galit na sabi ni Saling sa paglapit nito kay Norman. “Pamilya natin. Baka naman nakakalimutan mo na ako pa rin ang padre de pamilya," ang sagot ni Norman. “Padre de pamilya? May padre de pamilya bang binabae. Umalis ka na hindi ka naming kailangan," ang sagot ni Saling sabay talikod at pasok sa bahay. Sumunod agad si Norman at hinarap si Saling. “Saling mahal kita. Patawarin mo ako. Patawarin niyo ako dahil hindi ako naging perpektong asawa at ama," sambit ni Norman habang nababasag ang boses sa pag-iyak. “Nasaktan ako sa nalaman ko. Bakit hindi mo man lamang nagawang ipagtapat sa akin? Bakit kailangang sa ganoong paraan ko pa malalaman?” umiiyak na sabi ni Saling. “Dahil natakot ako. Naduwag dahil baka hindi mo ako matanggap," sagot ni Norman. “Asawa mo ako. Mahala kita. Maiintindihan ko at matutulungan kita. Hindi mo ako dapat pinagmukhang tanga," sabi ni Saling. “Ayaw kitang masaktan," sagot ni Norman. “Pero nasaktan pa rin ako, nasaktan na ang pamilyang ito ng dahil sa iyo," sagot ni Saling. May ilang sandali pa ang naging pagsumbat ni Saling kay Norman. Lahat ito ay narinig ng mga bata at sila man ay namulat sa klatotohanan sa pagkatao ng kanilang ama. Sa huli nangibabaw pa rin ang pagmamahala sa isa’t isa. Nagawa nilang tanggapin at patawarin ang ama. Sa wakas ay natapos na ang pagkukubli ni Norman. Nagako siyang magbabago alang-alang sa pamilya.
Sa loob ng mga panahong nasa Cebu si Norman si Alex muna ang umako ng lahat ng pagtatanghal sa comedy bar. Natutunan niya ang isa sa pinakamalaking leksyon sa kanyang buhay ang pagtanggap sa kanyang pagkatao. Natutunan na rin siyang tanggapin ng kanyang pamilya at unti-unting bumalik ang respeto niya sa sarili. May ilan pa ring mapanghusga ang sa kanya kumukutya pero natutunan niya na siya lamang ang masasaktan at matatalo kung ito ay papatulan. Katulad ni Norman lumaya na rin si Alex sa kanyang pagkukubli.
May ilang buwan pa ay tuluyan ng iniwan ni Norman ang Angeles. Pilit iniwan at iwaksi ang kabaklaan na bumabalot sa kanyang katauhan. Sa huling araw niya sa comedy bar ay pinuntahan niya ang kaibigang si Alex. “Paano ba ‘yan magpapaalam na ako," sabi ni Norman. “Mami-miss kita bakla pero masaya ako para sa iyo dahil tapos na ang paghihirap mo," sagot naman ni Alex sabay yakap sa kaibigan. “Alam mo kaya mo ring lumaya," bulong ni Norman kay Alex. “Noong araw na umalis ka at ipinaglaban ang kalayaan mo, lumaya rin ako. Mas natanggap ko ang pagiging bakla ko at nakuha ko ang respeto ng mga tao," masayang bulong ni Alex kay Norman. “Kung gayon pareho na tayong malaya," ang sabi ni Norman. “Oo, kaibigan tapos na ang ating pagkukubli," masayang dagdag ni Alex.
Nalimot na si Lufita Curacha at nabuhay muli ang bagong si Norman. Naging isang contractual worker siya sa Dubai. May natitira pa ring bahagi ng katauhan niya ang bakla ngunit natutunan niya itong tanggapin gayon din ng kanyang pamilya. Si Alex ay nanatiling si Chubita Rose. Ang tanging nagbago ay ang pagtingin niya at ng kanyang kapwa sa kanyang pagiging bakla. Umani siya ng respeto at pag-unawa.
Tapos na ang pagtatanghal ngunit marami pa rin ang hindi lumalaya sa sariling pagkukubli. Sapagkat ang mundo ay isang natural na entablado kung saan lahat at nagbabalat-kayo at nagtatago. Lahat ay may katauhang itinitago ngunit kinakailangang ilantad na ang sarili. Mahirap ang maging bulag sa katotohanan at hindi matutunan ang pagtanggap. Sa pagtanggap ng sarili nagsisimula ang lahat at dito matatanggal ang maskara upang muling humarap sa mundo ng walang takot.
2 Comments:
Hmm.. it's funny.. just a question.. where'd you come up with this idea? hehe
Sa iba’t ibang paraan at di mabilang na kadahilanan, naging natural na inklinasyon na ng tao ang magkubli. Tama ba o mali? Iniiwasan ko ang humusga sapagkat sa ganang akin ang pagiging tama o mali ng isang bagay ay naaayon sa konteksto ng pagkakataon. Ang puntong ito ay maaring bigyan diin ng sitwasyon nila Alex at Norman. Ang istorya bagamat malabong namnamin sa dahilang hindi pa lubos na tapos ay naglalarawan ng isang malinaw na ehemplo ng pagkukubli. Sa aking tingin, ang may akda ay gumamit ng simbolismo upang ikubli ang isang sariling konbiksyon o paniniwala. Kung ano man ito, marahil ay makatutulong na bigyan kasagutan ang ilang katanungang naiwan sa aking isipan.
• Nakatulong ba kay Alex ang realisasyon niya mula sa matandang bulag? Ano ang naging kaugnayan nito sa buhay ni la Norman at Saling?
• Tuluyan na bang iniwan ni Saling si Norman? Ipinagpatuloy ba ni Norman ang kanyang trabaho?
• Sino ba ang tunay na nagkukubli sa kwento? Ang hinuhusgahan ba o ang nanghuhusga?
Sa huli, hindi ko ikukubli ang aking paghanga sa umuusbong na kakayahan ng may akda!
Post a Comment
<< Home