Sunday, December 17, 2006

Aking Kwento


Huling Dapithapon ng Isang Buhay

Marahang gumagalaw ang tumba-tumba sa loob ng isang silid na puno ng litratong napaglipasan at ilang alam mong kamakailan lamang kinuha. Nag-iisa lamang ang laman ng silid. Ang nakikinig sa lumang tugtuin sa isang rekorder at nakasilip sa bintana na araw-araw ay nagpipinta ng bagong larawan sa tumatanaw.
Ito ang mga huling kaganapan sa aking buhay. Buhay na hindi ko pinili pero napasa-akin pa rin.
“Lola Celing kakain na po”, ang tinig ng isang dalaga na pumuno sa buong silid sa kanyang pagpasok dala-dala ang isang basong tubig, isang pinggan ng kanin, gulay at isda at sa may gilid ay ilang pirasong gamot. Ang naisagot ko, “Nars ano nga uli ang pangalan mo?”

Nakalimot, ulyanin, walang maalala iyan ang tawag sa akin. Hindi ko pinili ang kapalarang ito ngunit sa bawat araw na lumilipas ay siya ring pagtakas ng bawat alaalang natitira sa aking isipan.

“Lola my Alzheimer’s po kayo,” ang sabi ng doktor na tumingin sa akin. Parang hinatulan na rin ako ng kamatayan ang nasabi ko sa aking sarili. “Ang Alzheimer’s po ay isang kondisyon na karaniwan sa matatanda”. Paliwanag pa ng doktor, ito ang pagbaba daw ng lebel ng kung ano mang bagay sa aking utak. Sa simpleng salita, napasa-akin na ang sakit na kinatatakutan ng bawat nilalang, ang pagkalimot. Ang pagkalimot sa bawat minamahal, sa bawat alaalang sana ay baon mo sa paglisan sa mundong ito at higit sa lahat ang pagkalimot sa iyong sarili.

Ang una at huling araw ng dati kong buhay. Nagbago ang lahat sa buhay ng dating Maria Cecilia Mijares. Wala na si Celing, ang Celing na dati’y puno ng buhay ay nilamon na ng kung anong sigwa at tuluyan nang naglaho. Alam ko sa aking sarili na ang sakit na ito ay nangangahulugan na rin ng aking kamatayan. Sino ang mabubuhay sa isipan na ni isang mukha ay wala kang makilala at ni isang bagay wala kang maalala?

Naawa ako sa aking sarili ngunit mas higit sa mga taong nakapaligid sa akin. Masakit sa kalooban ng isang anak na hindi makilala ng ina. Ang dating karugtong sa sinapupunan ay tuluyan nang naging putol na bahagi na kahit piliting ipagsama ay hindi na maari. Ganyan ang naramdaman ng aking mga anak. “Inay gagaling din po kayo”, ang sabi ng aking anak na si Sebastian. Kahit batid naming dalawa na malayo ito sa katotohanan ay pinili naming magkubli sa mumunting ligaya sa dulot ng mga salitang iyon. Habang hinahaplos niya ang aking buhok ay sabay umaagos ang kanyang luha. Kakatwa sa iba ang makita ang isang lalaki na lumuluha. Ngunit tinuruan ko ang aking anak na kahit kailan huwag ikahiya ang pagbugso ng damdamin. Madalas sabihang lumalambot ngunit matalino ang aking anak batid niyang ang bawat patak ng luha ay may pakahulugang saya o lungkot na hindi dapat ikahiya nino man. Ito naman ang siyang kabaligtaran ni Corazon, ang aking anak na babae. Nanatili siya sa may paanan ng aking kama. Kahit alam ko na gusto na niya akong yakapin at umiyak sa aking balikat ay pinigilan niya ang kanyang sarili. Nakuntento siya sa pagpisil sa aking mga paa na para na ring pagsasabi na “Inay nandito lang ako”. Hindi ko malaman kung saan nagmula ang katigasan ng loob na ito. Ngunit alam kong mahal ako ni Corazon at sa kanyang sariling paraan ay ipinadama niya ito sa akin. Kung hindi lamang sana ako ninakaw ng aking kondisyon sa kanila.

Kung alam ko na nasasaktan ang aking mga anak, mas alam kong nasasaktan ang aking kabiyak. Unit-unti rin akong inagaw ng aking sakit sa kanya.
“Celing hintayin mo ako, sabay nating harapinang dapithapon”. Sa pagbikas ng mga salitang ito ay lumuluha siyang tangan ang aking mga kamay. Nakadudurog ng puso ang mga tagpong iyon. Mahal ko siya ngunit sa paglipas ng mga araw ay hindi ko na maipahayag ang pagmamahal na ito.
Hanggang dumating ang araw na hindi ko na kilala ang aking kaharap. “Sino ka? Huwag kang lalapit sa akin”. Nagpaalam ako kay Simon ng hindi ko namamalayan at hindi ko rin ginusto. Kung literal lamang na naadudurog ang puso ng isang tao ay marahil nakita ko ang mgapira-pirasong bahagi ng puso ni Simon sa aking harapan.

Nakalimutan ko silang lahat. Ang aking asawa, anak, apo, mga kapatid at kaibigan. Wala na akong maalala ni isa sa kanila at kung ano ang nangyari sa aking buhay. Ito ang masakit na katotohanan. “Hindi ko ito ginusto”, ang huling nasabi ko sa aking huling alaala.

May limang taon kong binuno ang aking karamdaman. Kung karamdaman man ito ay maituturing ko na ring sentensya sa nalalabing araw ng aking buhay. Sa loob ng limang taon ay marami ring nangyari sa aking kapaligiran. Mga pangyayari na sana’y aani sa akin ng lungkot o saya. Pero hindi na, ninakaw na sa akin pati ang pakiramdam ng makihalubilo o maipadama ang aking pagmamamahal sa lahat.

Ikagagalak sana ng aking puso ang pagtaas ng posisyon ni Sebastian sa opisina. Habang nagdiriwang siya at ang kanyang pamilya ay hindi ko man lamang alam kung ano ang ipinagdiriwang nila at kung sinu-sino sila. Ikagagalak ko rin sana ang muling pagbubuntis ni Corazon. Ngunit wala akong nalalaman ni hindi ko siya makilala ng ibulalas niya sa akin ang balita na, “Inay buntis po ako”.
Ilang pasko, bagong taon, bertdey kung anu-anong okasyon na sana ay kasama akong nakikipagdiwang. Wala na, wala na lahat.

Higit sa lahat ang hinaing ng aking puso ay hindi ko naramdaman sa pagkamatay ng aking kabiyak. Ipinagkait sa akin pati ang pagdama ng sakit ngunit kahit papaano ang pagpatak ng luha ay ipinagkaloob sa akin. At sa wari’y naging maawin din ang Diyos dahil sa huling pagkakataon ay nabigkas ko ang kanyang pangalan. Sa huling pagkakataon namaalam ako at nakapag-sabi ng “Simon…” Pumanaw raw ang aking kabiyak sa labis na pagkalungkot sapagkat hindi man daw ako pumanaw ay para na rin akong nawala sa kanya. Magalit man ako ay hindi ko magawa, iniwan niya ako.

Hindi lamang pala damdamin ang hahatakin paalis sa aking pagkatao. Pati pala ang natitira kong ulirat sa aking sarili. Unti-unti akong bumalik sa pagkabata. Ni hindi ko namalayan na hinahabol-habol ako ng aking apo habang nababasa ko ang aking salawal. Gumamit ako ng diaper at kulang na lamang ay bigyan ako ng tsupon na may gatas. Umiyak ako ng walang tigil na para bang ang dami kong gustong sabihin na hindi masabi kaya idinaan ko na lang sa iyak.

Gusto kong kumawala pero wala akong magawa. Para akong bilanggo na hindi makatakas.

“Lola aalis muna po ako para linisin ang kinainan ninyo,” muling sabi ng dalagang apo ko pala kay Sebastian. Lumabas siya ng kuwarto dala-dala ang mga lalagyang kanina ay puno at ngayon ay wala ng laman. Tumingin ako sa bintana. Nakita ko ang dapithapon at para bang may nais akong alalahanin ngunit hindi na mabatid ng aking isipan. Ipinikit ko ang akin mga mata habang nakikinig sa tugtog ng rekorder. “ Ikaw lamang ang aking iibigin magpakailanman…” Ito ang sabi ng kanta na may kung anong pagtawag sa akin. Hindi ko alam kung bakit espesyal ang tugtog na ito. Sa tabi ng rekorder ay naroon ang larawan ng isang lalaki. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para kunin iyon. Pinagmasdan ang larawan ng hindi ko makilalang lalaki. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at muli umagos ang luha na hindi ko alam kung saang damdamin nagmumula. Siguro nahabag sa kaluluwa ko ang Diyos at sa dapithapong iyon muling ipinaalala ang isang pangako. “Celing hintayin mo ako, sabay nating harapin ang dapithapon.”
Tinitigan ko ang larawan at namutawi sa aking labi ang mga salitang, "iniwan mo ako Simon, iniwan mo ako sa kadiliman at sumpa ng pagkalimot." Umaagos pa rin ng walang tigil ang mga luha. Ngunit sa loob ko ay may pakiramdam na payapa.

“Narito na po uli ako. Lola. Lola? Lola Celing gumising po kayo. Lola, Lola!” Muling napuno ng tinig ng aking apo ang mumunti kong silid. Pumanaw pala ako, pumanaw ng hindi ko namamalayan habang tangan ang larawan ni Simon. Ngunit masaya ako dahil sa huling dapithapon ng aking buhay nahabag sa akin ang Diyos at tinupad ni Simon ang kanyang pangako. Sabay naming hinarap ang huling dapithapon ng aking buhay kahit na ang aking katabi ay ang kanyang larawan lamang.

All written articles here unless mentioned are copyright of Andrea Uy (C) 2006