PAG-IBIG
Jose Corazon de Jesus, 1926
Isang aklat na maputi, ang isinulat: Luha!
Kaya wala kang mabasa kahit isa mang talata;
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata;T
umanda ka't nagkauban, hindi mo pa maunawa.
Ang Pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa-puso!
Pag pinuso, nasa-isip, kaya't hindi mo makuro.
Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo'y naglalaho;
Layuan mo at kay-lungkot, nananaghoy ang pagsuyo!
Ang Pag-ibig na dakila'y aayaw nang matagalan,
Parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman.
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang nahalikan,
At ang ilog kung bumaha, tandaan mo't minsan lamang.
Ang Pag-ibig kapag duwag ay payapa't walang agos,
Walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos!
Ang Pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod,
Pati dangal, yama't dunong nalulunod sa pag-irog!
Ang Pag-ibig na buko pa'y nakikinig pa sa aral,
Tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw,
Ngunit kapag nag-alab na pati mundo'y nalimutan ---
Iyan, ganyan ang Pag-ibig, damdamin mo't puso lamang!
Kapag ikaw'y umuurong sa sakuna't sa panganib
Ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip:
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig:
Pag umibig, pati hukay aariin mong langit!
Ang Pag-ibig ay may mata, ang Pag-ibig ay di bulag;
Ang marunong umibig, bawat sugat ay bulaklak:
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw ng kabiyak;
O wala na kahit ano, o ibigay mo ang lahat!
"Ako'y hindi makasulat at ang Nanay ay nakabantay!
"Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal!
Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay,
Minamahal ka na niya nang higit sa kanyang buhay!
Kayong mga kabataang pag-ibig ang ninanais,
Kayong mga paruparong sa ilawan lumiligid,
Kapag kayo'y umiibig na, hahanapin ang panganib,
At pakpak ninyo'y masusunog sa pag-ibig!
PAKPAK
Jose Corazon de Jesus, 1928
Bigyan mo ng pakpak itong aking diwa
at ako'y lilipad hanggang kay Bathala...
Maiisipan ko'y mga malikmatang
sukat ikalugod ng tao sa lupa;
malikikha ko rin ang mga hiwaga,
sa buhay ng tao'y magiging biyaya.
Ano ba ang sagwang sabay sa pagtahak
kundi siyang pakpak ng bangka sa dagat?
Ano ba ang kamay ng taong namulat
kundi siyang pakpak ng kanyang panghawak?
Ano ba ang dahon ng mga bulaklak
kung hindi pakpak din panakip ng dilag?
Ang lahat ng bagay, may pakpak na lihim,
pakpak na nag-akyat sa ating layunin,
pakpak ang nagtaas ng gintong mithiin,
pakpak ang nagbigay ng ilaw sa atin,
pakpak ang naghatid sa tao sa hangin,
at pakpak din naman ang taklob sa libing.
Bigyan mo ng pakpak itong aking diwa,
at magagawa ko ang magandang tula;
bigyan mo ng pakpak tanang panukala't
malilipad ko hanggang sa magawa;
bigyan mo ng pakpak ang ating adhika,
kahit na pigilan ay makakawala...
O ibon ng diwa, ikaw ay lumipad,
tingnan mo ang langit, ang dilim, ang ulap,
buksan mo ang pinto ng natagong sinag,
at iyong pawalan ang gintong liwanag,
na sa aming laya ay magpapasikat
at sa inang bayan ay magpapaalpas.